MANILA, Philippines — Tinanggal na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa serbisyo ang dalawang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sinasabing kabilang sa mga tinatawag na “narco-generals.”
Inihayag ni presidential spokesperson Ernesto Abella ang pagsibak kina dating National Capital Region Police Office chief Police Director Joel Pagdilao at dating hepe ng Quezon City Police District Chief Superintendent Edgardo Tinio alinsunod sa nilagdaan na desisyon ng Executive Secretary Salvador Medialdea nitong Huwebes.
Ayon kay Abella ang pagsibak sa mga nasabing opisyal ay base na rin sa pangako ng Pangulo na tiyaking masasawata ang krimen at korupsiyon sa bansa.
“In line with the President’s promise to render the nation crime and corruption free, he has dismissed from service two officials of the Philippine National Police,” sabi ni Abella.
Ayon pa kay Abella, ang dalawa ay ‘administratively liable’ dahil sa hindi nila pagtupad ng kanilang tungkulin at sa iregularidad.
May mga ebidensiya rin aniyang nagpapakita na sinadya ng dalawang heneral na huwag gawin ang kanilang trabaho kaya kumalat ang ilegal na droga sa nasasakupan nilang lugar.