MANILA, Philippines — Tuluyan nang ibinasura kahapon ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ni Department of Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano.
Ito’y matapos maisalang ang 10 oppositors sa kumpirmasyon ni Mariano.
Si Mariano na ang ika-apat na na-reject sa cabinet members ng Duterte administration.
Ang iba pang hindi nakalusot sa CA ay sina dating Social Welfare Sec. Judy Taguiwalo, Environment Sec. Gina Lopez at Foreign Affairs Sec. Perfecto Yasay Jr.
Naniniwala naman si Mariano na nanaig ang interes ng mga negosyanteng may-ari ng mga malalaking lupain kaya siya nabigong makalusot sa CA.
Kilala ang kalihim na nasa panig ng makakaliwang grupo, bago pa man ito naitalaga ni Pangulong Duterte bilang DAR secretary.
Ikinalungkot naman ng Malacañang ang naging desisyon ng CA sa appointment ni Mariano.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella, nakapanghihinayang dahil commitment pa naman ni Mariano ang pagpapabuti sa kabuhayan ng mga magsasaka sang-ayon sa direksyon ng Duterte administration.
Ayon kay Abella, isinulong ni Mariano ang proteksyon sa karapatan at kapakanan ng mga magsasaka at pagtiyak sa kanilang security of land tenure.
Sa kabila nito, patuloy aniyang pasasalamatan ng sambayanan ang dedikasyon at pursigidong serbisyo ni Mariano sa bayan.