Faeldon namumuro sa ‘planting of evidence’ sa P6.4 B shabu
MANILA, Philippines - “Death penalty” ang maaring kaharapin ni dating Customs chief Nicanor Faeldon dahilan sa umano’y pag-uutos na magtanim ng ebidensya sa hindi awtorisadong P6.4 bilyong shabu raid sa lungsod ng Valenzuela noong Mayo.
Sinabi ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, maaring habulin ng batas si Faeldon sa pag-uutos ng raid na walang search warrant at pagkontamina ng ebidensya nang buksan ang mga metal cylinders na naglalaman ng shabu na walang koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency.
Ang PDEA ang lead agency sa anti-drug operations ng pamahalaan. Ang nasabing P6.4 bilyong shabu ay bahagi ng aabot sa tinatayang P22 bilyong halaga na naipuslit sa BoC.
Ayon kay Barbers, sa ilalim ng Section 29 ng Republic Act 9165 (criminal liability for planting of evidence), sinumang mapapatunayang guilty sa pagtatanim ng droga bilang ebidensya at maging sa mga controlled precursor at mga kemikal konti man o marami ay mahaharap sa death penalty.
Sa naunang testimonya nina Faeldon, natunton lamang umano nila ang nasabing bodega ng shabu sa Valenzuela City matapos na i-tip ng Chinese Customs authorities ang illegal shipment ng droga kaya nagsagawa ng raid.
Una nang ibinulgar ni PDEA National Capital Region Director Wilkins Villanueva na nakabuyangyang na umano ang bulto-bulto ng droga na nakumpiska nang dumating ang kanilang mga tauhan sa ni-raid na bodega.
- Latest