MANILA, Philippines - Sa ikatlong pagkakataon, muling dumalaw kamakalawa sa Marawi City si Pangulong Duterte kung saan nagpaputok pa ito ng baril sa direksiyon ng grupong Maute.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Armed Forces of the Philippines spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla Jr. na naging maayos ang pagbisita ng Pangulo at nagtungo ito sa mismong “main battle area”.
Nagpalabas naman ng opisyal na larawan ang Palasyo kaugnay sa naging pagbisita ng Pangulo na nakasuot siya ng full battle gear.
Sinabi pa ni Padilla na wala naman silang impormasyon kung may tinamaan ang Pangulo ng targetin nito ang mga kalaban.
Unang binisita ni Duterte ang mga sundalo sa Marawi noong Hulyo 20 at sinundan noong Agosto 4.
Namahagi rin ang Pangulo ng mga relo at mga grocery items sa mga sundalo.
“At siya (Duterte) po ay nagpaabot ng kanyang pasasalamat sa ating mga kasamahan at ganundin, nag-abot po ng ilang tulong at pampa-high morale na mga bagay tulad ng relo at iba pang mga grocery items na kinakailangan po nila,” ani Padilla.
Kabilang sa mga nakasama ng Pangulo sina National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., AFP Chief Eduardo Año at Special Assistant to the President Christopher Lawrence Go.