2 farm workers negatibo sa bird flu

MANILA, Philippines - Negatibo sa ‘avian influenza virus’ ang dalawang poultry farm workers na unang inilagay sa ‘isolation’ ng Department of Health makaraang makitaan ng mga sintomas ng trangkaso.

Kinumpirma kahapon ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial na ordinaryong ubo at sipon lamang ang sakit ng dalawang manggagawa makaraang isailalim sa laboratory examination ang kanilang ‘swab at blood samples’.  Pinalabas na ng pagamutan ang dalawa at pinabaunan ng anti-viral na mga gamot.

“So very mild symptoms lang po at sila po ay kinu­nan ng sample and as of yesterday evening, tinawag sa akin ng RITM (Research Institute for Tropical Medicine), negative po sila,” dagdag ni Ubial.

Tiniyak ng kalihim na mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng kagawaran sa iba pang poultry workers na nalantad sa mga infected na manok. 

Lahat ng poultry workers sa apektadong mga farms sa Pampanga ay isinailalim na sa screening at binigyan na rin ng anti-viral medicines.

Una nang sinabi ni Asst. Secretary Eric Tayag na napakahirap maipasa ang ‘bird flu’ sa tao.  

Sa datos pandaigdig, sa 1 milyong tao na mae-expose sa mga manok na may bird flu, wala pang 200 katao ang maaaring mahawahan nito, ani Tayag. 

Maaari lamang umanong mahawa ang isang tao kung malalanghap ang sipon o uhog ng manok na apektado ng sakit.

Show comments