Kamara sisilipin ang tamang discount sa gamot ng seniors
MANILA, Philippines - Iimbestigahan ng Kamara ang mga drug stores at mga establisimyento na hindi nagbibigay ng tamang diskwento sa mga senior citizens.
Ayon kay Iloilo Rep. Ferjenel Biron, may akda ng Republic Act 9502 o ang Universal and Quality Medicine Act of 2008, sisiyasatin nila sa pagdinig kung naipapatupad ang nasabing batas dahil bigo ang Department of Health (DOH) sa pagpapalawak ng listahan ng mga medisina na dapat ay ibinababa ang presyo na nasa probisyon ng naturang batas.
Bagamat mayroon umanong RA 994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010 aalamin din ng kongresista ang mga ulat na panloloko ng mga drug stores at mga establisimyento sa mga senior citizens dahil sa hindi pagbibigay ng tamang diskwento o tamang computation at VAT exemption
Dahil dito kaya hindi lamang umano ang DOH ang dapat matutukan kundi ang mga namamahala ng mga senior citizen offices at Local Government Units (LGUs).
Tutukan din ng kongresista kung nasusunod ba ang paglalagay ng senior citizens lane at listahan ng mga generic na gamot na maaaring pagpilian sa mga botika, dahil halos lahat umano ng mga malalaking botika sa buong bansa ay may-ari na rin ng mga generic na gamot.
Kay nangangamba si Biron na ang mga generic na gamot ang itinutulak ng mga botika na bilihin ng mga senior citizen na karamihan ay umiinom ng mga maintenance medicines.
Hindi umano ito patas sa mga matatanda dahil tila naiisahan sila ng mga botika at maituturing na may conflict of interest.
- Latest