MANILA, Philippines - Naghahanda na ang mga opisyal ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pagsapit ng panahon ng tag-ulan sa bansa.
Sinabi ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, na bukod sa pinangangambahang pagtama sa bansa ng 7.2 magnitude na lindol ay naghahanda na rin sila ng ‘contingency plans’ at ‘emergency response’ sa napipintong pagpasok ng panahon ng tag-ulan.
Sa pagtaya ng weather bureau sa taong 2017, posibleng pumasok na ang tag-ulan sa huling bahagi ng Mayo o kaya naman ay sa unang bahagi ng Hunyo.
“The National Council is continuously upscaling its efforts to prepare for the possible impact of a magnitude 7.2 earthquake in Metro Manila as well as the onset of rainy season in the country,” pahayag ni Jalad.
Idinagdag pa ni Jalad na kailangan ring magkaroon ng imbentaryo ng mga resources ng pamahalaan para sa emergency response sa Metro Manila, pagtulong sa mga maapektuhang rehiyon at gayundin sa pagmomonitor kung sumusunod ang mga gusali sa building code at iba pang batas kabilang ang pagsusuri kung matibay ang mga tulay, kalsada, skyways at maging ang mga railways.
Iginiit pa ng opisyal na walang nakababatid kung kailan mangyayari ang matitinding trahedyang tulad ng lindol kaya dapat ay handa ang pamahalaan at mamamayan.