MANILA, Philippines - Mapaaga ang pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa United States sa susunod na mga buwan dahil na rin sa ‘urgent topic’ hinggil sa sitwasyon sa Korean peninsula, ayon sa Department of Foreign Affairs bagaman may pahayag siya na hindi pa niya natatanggap ang imbitasyon ni US President Donald Trump na bumisita sa Amerika.
Kaugnay ito ng kagustuhan ni Trump na konsultahin ang Asian allies nito hinggil sa North Korea.
“Inimbita ni President Trump si President Duterte sa White House para talakayin ang sitwasyon sa Korean Peninsula. Gusto yata ng US na magkonsulta sa mga allies and strategic partners sa Asia para mapag-usapan ang approach sa tensions sa DPRK,” wika pa ng DFA official.
Samantala, iginiit ng Pangulo na hindi matatakot ang lider ng North Korea sa firepower ng Estados Unidos.
Ito ang sinabi ni Pangulo kay Trump nang mag-usap sila sa telepono noong Biyernes ng gabi matapos ang ASEAN Summit.
Gayunman, sa panayam ng mga reporter sa Davao City makaraang bumisita siya sa isang Chinese Navy ship. Ipinahiwatig ni Duterte na hindi pa niya tinatanggap ang imbitasyon ni Trump sa pagbisita sa White House. Marami pa anya siyang nakalinyang biyahe sa Russia, Israel at China.
Ipinaabot din ni Duterte kay Trump ang agam-agam ng ibang ASEAN leaders sa krisis sa Korean Peninsula.
Sinabi rin ng Pangulo bukas siya sa pagkakaroon joint military drill sa Chinese forces.
Siniguro rin ni Duterte na ipapaayos niya ang Pag-asa island dahil tungkulin niya ito bilang pangulo ng bansa.