MANILA, Philippines - Hindi na palalawigin pa ng Commission on Elections ang voters registration para sa Sangguniang Kabataan at Barangay Election sa Oktubre.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista hanggang sa Sabado na lamang, ?April 29 maaring magparehistro.
Sinabi ni Bautista na nagbigay na sila ng sapat na oras para sa mga nais magparehistro.
Ayon sa pinuno ng Comelec, kahit na holiday ngayong araw at bukas ay bukas ang Comelec mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Sa ngayon anya ay mayroon ng 2.2M bagong nagparehistro kung saan 700,000 dito ay mga edad 15 hanggang 17.
Panawagan naman ng Comelec sa mga nais magparehistro na magtungo na sa mga Comelec offices sa buong bansa upang magpatala.
Samantala umapela si Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) national chairperson at dating Comelec Commissioner Rene Sarmiento sa mga kuwalipikadong botante na magparehistro at gamitin ang karapatang makaboto.
Sinabi ni Sarmiento na mahalaga ang isang boto na maaaring makapagdulot ng malaking pagbabago, upang mailuklok sa puwesto ang mga mabubuti at tunay na may kakayahang makapaglingkod.