MANILA, Philippines - Umaasa si Senator Juan Miguel Zubiri na magiging ganap na batas ang kanyang panukala na tatawaging “Gift Check Act of 2017” kung saan ipagbabawal na ang paglalagay ng expiry dates sa mga gift checks.
Ipinaliwanag ni Zubiri na malaking kawalan o ‘disadvantage’ para sa isang may hawak o may-ari ng gift certificate, check, card o voucher ang nakalagay na expiry date kung binili ito ng cash pero hindi nagamit paglampas ng expiration date.
“It is a great loss and disadvantage to the bearer or owner of gift certificate, check, card or voucher if such has an expiry date and not used-up before the expiration date especially if such gift certificate, check, card or voucher has been obtained in exchange for cash,” ani Zubiri.
Kung tutuusin aniya, maitururing na “good as cash” ang mga gift check, card o voucher kaya hindi ito dapat nilalagyan ng expiry date.
“It is purchased with money and money having no expiry date, it follows that these things must bear no expiry date,” paliwanag pa ni Zubiri.
Nawawalan lamang aniya ng halaga ang pera kapag ito ay na-demonetized na bihira namang mangyari.
Bagaman ay ipinalabas na aniya ng Department of Trade and Industry ang Department Administrative Order No. 10-04, S. 2010 na nagbabawal sa paglalagay ng expiry date sa mga gift certificate, check o card, naniniwala si Zubiri na dapat pa ring magkaroon ng batas ukol dito dahil walang nakalagay na parusa sa ipinalabas na administrative order.
Sa panukala ni Zubiri, ang mga lalabag ay pagmumultahin ng mula P200 libo hanggang P500 libo sa unang paglabag; P500 libo hanggang P1 milyon sa ikalawang paglabag, at multang P1 milyon at kalselasyon ng business registration at permit sa ikatlong paglabag.
Pero exempted sa parusa kapag ang gift certificate, check, card, o voucher ay ipinalabas para sa isang specific event o activity na mayroong petsa katulad ng concert, sine, shows, special occasion at festival.
Exempted rin kapag ang gift certificate ay nasira o nawala na hindi naman kagagawan ng supplier.