Sueno dapat pinagpaliwanag muna bago sinibak - solons

MANILA, Philippines -  Dapat ay pinagpaliwanag muna si DILG Secretary Ismael Sueno bago siya sinibak sa tungkulin ni Pangulong Duterte.

Ayon kay Siquijor Rep. Rav Rocamor, nakakalungkot ang pagkakatanggal ni Sueno dahil naniniwala siya na competent ang kalihim sa kanyang tungkulin.

Ang nararapat umano ay maimbestigahan munang mabuti si Sueno bago alisin sa kanyang posisyon lalo pa at hindi pa naman napapatunayan ang alegasyon ng korupsyon laban sa kanya.

Iginiit naman ni Davao Rep. Karlo Alexie Nograles na lahat ng miyembro ng gabinete ay nagsisilbi sa pleasure ng presidente at ang simpleng pagkawala ng trust at confidence ay sapat na dahilan para alisin sila.

Sinabi ni Nograles, ang Pangulo ay nagbigay ng isang napakalakas na mensahe na hindi siya magdadalawang-isip na tanggalin sa puwesto ang mga nasa gobyerno oras na malaman at napatunayan niyang may katiwalian silang ginagawa sa kanilang mga tanggapan. 

Ayon kay Nograles, hindi kukunsintihin ng Pangulo ang anumang katiwalian sa gobyerno lalo’t sa malalapit niyang mga kaibigan, mga kaalyado, kahit na iyong mga tumulong o nagpakahirap sa kanyang election campaign. 

Show comments