MANILA, Philippines - Masyadong mapanganib sa mga naninirahan sa Metro Manila ang hangin na nalalanghap kumpara sa mga taga-lalawigan.
Ito ang kinumpirma ng mga eksperto sa kalusugan sa pulong-balitaan sa Medical Center Manila (MCM) kamakailan kaugnay ng inihayag ng World Health Organization (WHO) na nasa 1.7 milyong kabataan na edad 5-taong gulang pababa sa buong mundo ang namamatay kada taon dahil sa polusyon sa kapaligiran.
Sinabi ni Dr. Jorge Sison, pinuno ng Cardiology ng MMC na masyadong malala ang level ng polusyon sa kamaynilaan kaya pinapayuhan ang publiko na magsuot ng face masks sa paglabas ng bahay.
Bukod sa face mask, maari ding magtakip ng panyo o anumang cotton na damit sa kanilang mga ilong upang hindi masinghot ang maruming hangin.
Paliwanag ni Sison na nalalanghap ng tao ang mga usok mula sa mga sasakyan na pumapasok umano sa ating mga bloodstream hanggang sa tuluyang pumasok sa puso.
Tinukoy ni Sison ang EDSA, Taft Ave, Quezon Ave., C-5 at iba pa kung saan dumaraan ang maraming jeepney at bus na mga lugar na prone sa polusyon.
Sa datos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong 2016, ang naitalang polusyon sa Maynila ay 120 micrograms per cubic meter, 30 micrograms na mas mataas sa standard safe level na 90 micrograms per cubic meter lamang.
Naging dahilan ng pagkasawi ng may edad 1 buwan hanggang 5 taon, ayon sa ulat ng Atlas on Children’s Health and the Environment, ay diarrhea, malaria at pneumonia.