Ex-Sen. Jamby Madrigal, Rep. Alonte nanuhol ng P100M sa NBP inmates – DOJ
MANILA, Philippines - Tinukoy na ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na sina dating Senador Jamby Madrigal at incumbent Laguna Rep. Len-len Alonte ang umano’y nag-alok ng P100 milyon na suhol sa mga high profile inmates para baliktarin ang kanilang mga testimonya laban kay Sen. Leila de Lima dahil sa pagkakasangkot nito sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon kay Aguirre, ang kamag-anak umano ni Madrigal ang nag-refer kay Alonte para tumawag sa mga high profile inmates.
Hinimok daw ng dalawa ang mga inmates na nasa detention facility ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na baliktarin ang kanilang mga testimonya bago ang ika-31 taong paggunita sa EDSA people power revolution.
Aniya, ang pagbaliktad ng mga inmates ay gagamitin para makumbinsi ang taong bayan para sumama sa isasagawang kilos protesta laban sa Duterte administration.
Bahagi rin umano ito ng pagpapabagsak kay Pangulong Duterte.
Subalit ayon kay Aguirre, ang kanilang report at impormasyon ay kumpirmado.
Pero sinabi naman ng kampo ni Madrigal na sa ngayon ay nasa Europa ang dating senador.
Pinaiimbestigahan na rin ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang umano’y pagkakasangkot ni Alonte-Naguiat at Madrigal dahil nakikitaan ng pattern ng panggulo at destablisasyon sa pamahalaan.
Una na umanong panggugulo ay nang pilit na ipa-retract ang naunang testimonya ni retired SPO3 Arturo Lascañas.
Idinagdag pa ni Speaker na si Alonte-Naguiat ay kamag-anak ng dating Pagcor chairman kaya malaking pera ang naglalaro ngayon para sa destabilisasyon ng gobyerno.
Kaya kailangan umano itong agarang imbestigahan ng Kamara dahil sa nakasalalay ang national security ng bansa.
Si Alonte-Naguiat ay kilalang malapit na kaibigan ni Kris Aquino.
- Latest