MANILA, Philippines - Nakahanda nang kumanta si Supt. Rafael Dumlao III at ihayag ang lahat nitong nalalaman hinggil sa pagdukot at pagpatay kay South Korean trader Jee Ick-joo na umano’y kinasasangkutan ng dalawang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI).
Si Dumlao ay ang superior ni SPO3 Ricky Sta. Isabel na itinuturong sangkot at siya mismong pumatay kay Ick-joo na dinukot sa Angeles City noong Oktubre 2016 na dinala at pinaslang mismo sa bakuran ng Camp Crame.
Sa press conference sa Malacañang kahapon ng madaling araw, binigyan ng taning ni Pangulong Duterte si Dumlao upang sumuko kundi ay maglalabas siya ng P5 milyong reward para sa kanyang ulo, dead or alive.
Ayon kay dela Rosa, handa nang makipagkooperasyon ni Dumlao sa imbestigasyon sa kaso ng kontrobersyal na pagdukot at pagpatay sa South Korean trader ng gumimbal sa netizens partikular na sa mga turistang kalahi ng biktima.
“He is willing to tell all ... to give the whole picture of the story, according to his version kaya nga titignan ng imbestigador yan kung nagsasabi siya ng totoo na sasabihin niya lahat,” ani dela Rosa.
Si Dumlao ay kasalukuyang nasa ilalim ng ‘restrictive custody’ sa Headquarters Support Service (HSS) matapos naman itong maibalik sa Camp Crame nang pumalag noong Sabado ng madaling araw sa warrant of arrest, pumara ng taxi at umuwi sa kanilang tahanan sa Antipolo City. Ayon kay dela Rosa, kasalukuyan pang pinaghahanap ang dalawang ahente ng National Bureau of Investigations na sangkot sa kaso bukod pa kay Jerry Omlang ang sinasabing driver ng NBI Director.
Samantalang pinabulaanan din ni Dumlao, ayon pa sa opisyal ang pahayag ni Omlang na hindi siya konektado sa NBI.
Nabatid na si Dumlao ang alyas ‘Sir Dumlao’ na nasa warrant of arrest na inisyu ng korte sa Angeles City kaugnay ng kidnap slay sa biktimang South Korean.
Naghain naman ng ‘resignation letter’ si dela Rosa kay Pangulong Duterte pero ibinasura ito dahil nanatiling buo ang tiwala nito kay Bato.