MANILA, Philippines – Isa ang nasawi habang 18 naman ang sugatan makaraang mahulog sa bangin ang isang pampapasaherong jeep sa Brgy Balele, Tanauan City, Batangas kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival ang biktimang kinilala lamang sa pangalang Junior Alim nang dumating sa CP Reyes Hospital sanhi ng malubhang sugat na tinamo nito sa aksidente.
Sa ulat ng Batangas Police, dakong alas-7:30 ng gabi nang mangyari ang aksidente.
Binabagtas ng jeepney (DHG125), na minamaneho ni Edgar Napao ang kahabaan ng highway ng naturang lugar nang mawalan ito ng preno dahilan upang mawalan ito ng kuntrol at tuluyang mahulog sa bangin.
Nabigo nang maisalba ang buhay ni Alim sa CP Reyes Hospital habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa nasabing pagamutan ang mga sugatang pasahero at ang driver ng jeepney.
Isinasailalim pa ng pulisya sa masusing imbestigasyon ang kasong ito at nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and multiple physical injuries ang naturang tsuper.