MANILA, Philippines - Tinaningan ni Cibac partylist Rep. Sherwin Tugna si Philippine National Police Chief Ronald “Bato” dela Rosa ng 60-araw para lutasin ang pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee ick Loo.
Sinabi ni Tugna na ang magagawa ngayon ni dela Rosa ay ang magbigay ng lubos na kooperasyon sa investigating body na tumututok sa pagresolba ng krimen na nangyari sa loob ng Camp Crame.
Giit ng kongresista na kailangang makasuhan at masibak agad sa PNP ang mga pulis na responsable at sa ganitong paraan umano ay mapapatunayan ni dela Rosa na karapatdapat pa rin ito sa tiwala ni Pangulong Duterte.
Para naman kay Kabayan partylist Rep. Harry Roque na maaaring managot ang PNP chief kung mabigo itong lutasin ang kaso ng pagpatay sa negosyanteng Koreano. Ito ay dahil sa ilalim ng batas ay maaaring managot ang heneral dahil sa command responsibility.