MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang dapat ikabahala si Vice-Pres. Leni Robredo at mga Bicolano dahil matatapos nito ang kanyang termino bilang halal na bise-presidente.
‘I assure Vice-President Leni Robredo that you will have her until the last day of her term,” sabi ng Pangulo sa media interview kahapon matapos ang ground breaking ceremony sa itatayong Bicol International Airport.
“I will assure Vice-President Leni and the rest of Bicol region that the vice-president will not be removed from her office,” dagdag ni Duterte.
Ayon sa Pangulo, walang batayan upang alisin si VP Robredo sa kanyang poder kaya nasisiguro niyang matatapos nito ang kanyang termino.
“There is no such thing of removing VP Leni from her office because she did not do anything wrong,” giit pa ng Pangulo.
Nagpasalamat naman si Robredo sa Pangulo dahil sa binitawang katiyakan.
Inihayag ni Robredo na sa kabila ng “differences” gusto niyang isipin na magiging maganda pa rin ang relasyon na DuBredo (Duterte-Robredo) tandem.
Inihayag ni Robredo na walang dapat ikatakot ang kani-kanilang supporters sa kabila ng mga natatanggap niyang banta na aagawin ang kanyang posisyon.
Tiniyak ni Robredo na suportado niya ang mga polisiya ni Pangulong Duterte na magbe-benepisyo sa sambanyang Pilipino.
Kabilang dito ang mga polisiya sa tax reform package, rehabilitasyon sa mga drug users, paglaban sa “endo” o end of contract at ang FOI o “freedom of information”.
Gayunman, nilinaw ni Robredo na bagaman sinusuportahan niya ang mga nabanggit na polisiya ng Pangulo, maaari rin niyang kontrahin ang ibang polisiya na hindi tugma sa kanyang pinaniniwalaan at prinsipyo.