Libo dumalo sa anti-Marcos rally
MANILA, Philippines - Sa kabila ng pag-ulan, itinuloy kahapon ang “Black Friday protest” ng anti-Marcos na sinabayan naman ng ilang grupo din na sumusuporta naman kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Korte Suprema na pumabor sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Tinatayang nasa 1,500 lamang ang dumalo sa rally na bukod sa anti-Marcos ay kabilang na ang nasa mahigit 200 lumahok na grupong “Duterte Youth”.
Nabatid na ang grupong anti-Marcos ay nagtipun-tipon sa iba’t-ibang lugar bago tuluyang nagtungo sa Quirino Grandstand sa Luneta habang sa may bantayog naman ni Dr. Jose Rizal nagtipon ang Duterte Youth.
Naging highlight ang ipinaradang effigy ni dating Pangulong Marcos na nasa ‘dracula coffin’ ng mga anti-Marcos.
Nakaantabay naman ang nasa 200 kapulisan upang magbigay ng seguridad sa magkabilang panig.
Bago tumulak patungong Luneta, isang kilos-protesta ang isinagawa ng mga estudyante ng UP-Manila at ilang militante sa tapat ng Philippine General Hospital (PGH) sa Taft Avenue, Maynila.
Binalutan ng itim na tela ang UP Oblation at may ikinabit na karatulang “Marcos Pasista, Diktador, Hindi Bayani” at nagdaos din ng maikling programa at talumpati na pinangunahan ng UP Workers Union at UP Academic Employees Union.
Isang malaking tarpaulin din ang nakapaskil sa tapat ng PGH na may nakasulat na hindi bayani ang dating pangulong Marcos.
Sa banner naman na hawak ng pro-Marcos ay ang “Duterte Youth: We support Duterte and the Supreme Court”.
Kabilang pa sa namataang grupo ang mga estudyante ng Adamson University, St. Scholastica, UP at mga militanteng grupong Gabriela, Anakpawis at Bayan Muna.
- Latest