MANILA, Philippines – Muling binuhay ni Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang National Identification (ID) system bill sa Kamara.
Sa House Bill 697 na inihain ni Arroyo, layon nito na magkaroon na lamang ng iisang ID ang mga Pinoy sa ilalim ng Filipino identification system para consolidated na dito ang lahat ng iniisyung ID ng mga tanggapan ng gobyerno.
Paliwanag pa ni CGMA, kung maisasakatuparan ang ganitong sistema ay magagawang simple ang lahat ng transaksyon sa bansa.
Kung maisabatas ang panukala, ang mga Pinoy na nandito sa bansa o nasa abroad ay mabibigyan ng ID na tatawaging Filipino ID card.
Kailangang i-apply ito sa registrar’s office ng lugar kung saan residente ang isang indibidwal subalit kung ang Pinoy ay nasa abroad, ito ay mag-a-apply sa embassy o consular office.
Para naman sa mga bagong silang na sanggol, iisyu ang ID nito sa loob ng 90 araw matapos na maipanganak.
Sisiguraduhin din umanong tamper proof ang Filipino ID at confidential ang personal na laman nito.