CAVITE, Philippines -- Sugatan at nakaposas pa ang mga kamay sa likuran nang humingi ng tulong sa Tagaytay Police ang isang 29-anyos na driver na diumano’y dinukot ng apat na armadong kalalakihan sa isang resort sa Laguna subalit nagawang makatakas kamakalawa .
Ang biktima ay si Julius Tagapia, binata, ng No. 30 Cougar Village East, Cainta Rizal.
Sa salaysay ni Tagapia, alas-9:00 ng gabi nang magcheck-in siya kasama ang employer na si Johnny Molina at may kasama pa silang dalawang babae sa Ma-jesty Resort, Pansol, Calamba City. Habang papasok sila sa resort ay nilapitan siya ng apat na suspek at tinutukan ng baril bago kinaladkad sa isang sasakyan at saka tinangay. Habang nasa loob sasakyan, pinosas umano siya ng mga suspek at dinala sa isang lugar sa Bata-ngas. Pababa na umano sila ng sasakyan nang makakuha siya ng tiyempo at nagtatakbo ito papasok sa tubuhan. Walang lingon at tuluy-tuloy umano ang kanyang pagtakbo dahilan upang magkasugat-su-gat ang mukha at buong katawan niya hanggang sa makarating sa isang lugar na sakop na ng Tagaytay city.
Mabilis na humingi ng tulong ang biktima sa nakitang police patrol at sinabing kinidnap siya.
Nakikipag-coordinate na ang Tagaytay Police sa Laguna Police kung saan nangyari ang pagdukot para sa follow-up operation at imbestigasyon sa kaso.