NORTH COTABATO, Philippines – Sinalakay ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-ARMM ang bahay ng municipal councilor sa bayan ng Guindulungan sa Maguindanao kahapon ng umaga.
Ayon kay PDEA ARMM Regional Director Edgar Apalla, sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Bansawan Ibrahim, ni-raid ng mga awtoridad ang bahay ni Councilor Saiden Utto na gumagamit ng alyas Basuka Uling sa Barangay Macasampen sa nasabing bayan.
Tanging ang pang-apat na asawa lamang ni Utto ang inabutan ng mga tauhan ni Apalla matapos na magtungo umano ito sa isa pa niyang asawa sa Tacurong City sa Sultan Kudarat.
Kaagad na hinalughog ng mga awtoridad ang pamamahay ng nasabing konsehal kung saan tumambad ang iba’t ibang uri ng bala, baril, drug paraphernalia, limang plastic sachet ng shabu na may street value na P90, 000.
Kabilang sa mga baril na nasamsam ay 12 gauge shotgun, bandolier ng bala ng M14 assault riffle, bandolier na may walong bala ng shotgun, bag na naglalaman ng 19 rounds ng bala ng shotgun, 2 karton ng bala ng Armalite riffle, 50 rounds ng live ammo ng cal. 45 pistol at puting Toyota Vios na may temporary plate # 120108 at may marka sa gilid na Abduladzis.
Kasama sa inaresto ang asawa ni Konsehal Utto na si Faironesah Dalidig Utto na sinasabing kawani ng National Commission on Muslim Filipinos, Regional Office, Cotabato City na ngayon ay inihahanda na ang pagsasampa ng kaso habang ang mga nasamsam na droga, baril at bala ay nasa kostudiya ng RCLO-ARMM para isailalim sa examination.