52 ‘adik’ na government men nagbitiw

MANILA, Philippines - May 52 government employees ng Quezon province ang nagpositibo sa isinagawang drug test alinsunod sa giyera kontra droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Magkakasunod na nagbitiw ang mga empleyado matapos mapatunayang gumagamit sila ng ipinagbabawal na gamot, partikular na ang shabu.

Una nang nagbabala si Pangulong Duterte sa mga kawani ng pamahalaan na gumagamit ng iligal na droga na magbitiw na bago pa malantad ang kanilang mga pangalan.

Ang 52 resigned government employees ay kabilang sa 65 na kawani ng pamahalaan ng lalawigan ng Quezon na nagpositibo sa drug test na iniutos ni Gov. Danilo Suarez.

Pito sa nasabing bilang ang pormal nang kinasuhan samantalang tatlo ang nag-negatibo sa ‘confirmatory test,’ at ang tatlo naman ay isinasailalim pa sa masusing beripikasyon dahil kung hindi shabu, posibleng marijuana naman ang kinalulungang bisyo.

Ayon kay Gov. Suarez, umabot sa 379 government employees mula sa 25 provincial offices, 16 na municipal at district hospitals ang binisita sa magkakahiwalay na okasyon para sa sorpresang drug test na isinagawa sa pa­mamagitan sa pagsusuri sa kani-kanilang ‘urine samples.’

Ang mga ihing ito ay isinagawa sa isang pribado at lisensiyadong drug test laboratory. Ang lahat ng gastusing ito ay sagot ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon.
“Wala silang nagawa tuwing magpapa-drug test kami kasi, sorpresa talaga at hindi nila alam na may drug test para sa kanila. Iba-ibang strategy ang ginagawa namin para ma-confine sila sa isang lugar at walang makakalabas sa kanilang opisina hangga’t hindi nasasailalim sa drug test,” ani Suarez.

Nabatid na ang pagpapa-drug test sa lahat ng Quezon government employees ay inumpisahang gawin noon pang nakalipas na taon. Ibig sabihin, dati pa ay may motibasyon ang tanggapan ni Suarez para sugpuin ang problema sa droga at higit pang pinagting ito dahil na rin sa ‘all out war against illegal drugs’ ng Duterte administration.

Naniniwala si Suarez na higit mapagtatagum­payan ang digmaan laban sa ipinagbabawal na gamot kung lahat ng local government units (LGU) ay sama-sama sa pagsupil sa problemang sumisira hindi lamang sa buhay ng mga kabataan kundi ng mga kabahayang apektado ng suliraning ito.

 Hindi natatakot si Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa posibleng pagsisiyasat sa kanya ng International Criminal Court (ICC) dahil sa lumalaking bilang ng mga napapatay sa gitna ng giyera kontra droga ng gobyerno.

Nagpahayag ng pag­kabahala si ICC chief pro­secutor Fatou Bensouda dahil sa tumataas na bilang ng mga napapatay sa giyera kontra droga ng gobyernong Duterte.

Ayon kay Duterte, hindi siya puwedeng kasuhan at imbestigahan ng ICC dahil lamang sa pagbabanta niya sa mga criminal dahil hindi ito labag sa batas ng Pilipinas.

“You must first determine that I have committed a crime in my country, that I have committed mass murders in my country and charged with that. There can be be no ramifications when I say that I will kill you when you destroy my land. It’ a legitimate statement of any general, of any wartime president, of any tribal leader,” wika pa ni Duterte sa panayam ng Al Jazeera.

Iginiit pa ng Pangulo, hindi labag sa batas ang pananakot sa mga suspected criminals na isang pamamaraan upang protektahan ang mga kabataan mula sa illegal drugs.

Magugunita na inanyayahan na din ni Duterte si UN special rapporteur Agnes Callamard na magsagawa ng imbes­tigasyon sa sinasabing extra judicial killings sa bansa sa gitna ng drug war ng gobyerno.

Show comments