‘Recycled witness’ si Matobato – Alvarez

Sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na wala namang bago sa mga sinabi ng isang umano ay dating miyembro ng Davao Death Squad (DDS) na si Edgar Matobato kaya binalewala lamang niya ang mga umano’y gasgas na akusasyon laban kay Pangulong Duterte. Philstar.com/AJ Bolando, file

MANILA, Philippines - Tinawag na “recycled witness” ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang iniharap na testigo ni Senador Leila de Lima sa pagdinig ng extrajudicial killings  sa Senado.

Sinabo ni Alvarez na wala namang bago sa mga sinabi ng isang umano ay dating miyembro ng Davao Death Squad (DDS) na si Edgar Matobato kaya binalewala lamang niya ang mga umano’y gasgas na akusasyon laban kay Pangulong Duterte.

Dagdag pa ni Alvarez  na siya man ay taga Davao subalit wala siyang nalalaman sa mga sinasabi ng umano’y miyembro ng DDS at ang tanging alam niya ay Die hard Duterte supporters.

Sinabi pa ng Speaker na ang testimonya ng testigo sa Senado ay bahagi ng pagkilos ni Sen. Leila de Lima na mapahina ang impact ng isasagawang imbestigasyon ng Kamara sa pagkalat ng ilegal na droga at pamamayagpag ng mga drug lords na nakakulong sa New Bilibid Prison noong termino pa niya bilang kalihim ng Department of Justice. 

Tanong  pa ni Alvarez bakit noong termino ni De Lima sa DOJ  ay nagsagawa ito ng imbestigasyon sa umano’y extra-judicial killings sa Davao subalit ni isang kaso ay walang naisampa ang DOJ sa korte.

Show comments