Pagpatay, ‘di magagawa ni Digong - Palasyo

MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Malacañang na hindi kayang gawin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ibinibintang ng lumutang na witness sa Senado, ayon kay Presidential Communications Office Sec. Martin Andanar.

Magugunita na inakusahan ng witness na si Edgar Matobato sa imbestigasyon ng Senado ang mag-amang Pangulong Duterte at anak nitong si Vice-Mayor Paolo Duterte na nasa likod ng mga extra judicial killings sa Davao City.

“I do not think he (Pres. Duterte) is capable of giving a directive like that,” paliwanag pa ni Sec. Andanar patungkol sa naging akusasyon ng witness na si Matobato.

Wika pa ni Andanar, matagal nang inimbestigahan ng Commission on Human Rights (CHR) sa ilalim ng pamumuno ni Atty. Leila de Lima ang sinasabing Davao Death Squad (DDS) pero hindi naman nila ito napatunayan.

Itinanggi rin ng anak ni Duterte na si Paolo ang mga akusasyon ni Matobato na tinawag pa niyang “mad man”.

Samantala, sinabi ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na pawang kasinungalingan at scripted umano ang mga testimonya ni Edgar Matobato sa pagdinig sa Senado kahapon.

Paliwanag ni Aguirre, dati nang nasa Witness Protection Program ng DOJ si Matobato simula noong 2013 subalit kaduda-duda aniyang sinasabi nito na wala siyang statement o affidavit sa kagawaran.

Naniniwala si Aguirre na “scripted” ang mga testimonya ni Matobato at tinawag pa niya na isa lamang isang “coached witness” si Matobato sa Senado.

Show comments