MANILA, Philippines - Aminado si Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Ronald “Bato”dela Rosa na nagkukumahog na ang kaniyang mga tauhan na hindi lamang triple kundi ‘quadruple’ ang ginagawang pagtratrabaho upang tuldukan ang problema sa droga sa loob ng nalalabi na lamang mahigit tatlong buwang palugit.
Una nang binigyan ng anim na buwan o hanggang Disyembre ng taong ito ni Pangulong Rodrigo Duterte ang PNP para mawakasan na ang paglaganap ng droga sa bansa .
“We can’t afford to fail the President in his campaign promise to eradicate the drug problem, criminality and corruption within 6 months,” pahayag ni Dela Rosa sa kaniyang talumpati sa himpilan ng Cordillera Police sa La Trinidad, Benguet.
“We are now running out of time, two months have passed already. In the remaining four months, I hope we will not only double, triple, or quadruple our efforts in order to hit the target”, ayon pa kay Dela Rosa na sinabing hindi maaring biguin ng PNP ang sambayanang Pilipino sa minimithi ng mga itong ‘drug free’ sa lugar na kanilang ginagalawan.
Nabatid na nasa 1.8 milyon ang bilang ng mga drug users na target pasukuin sa batas ng PNP.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 600,000 pa lamang ang mga sumusukong drug user sa PNP sa ‘Oplan Tokhang’ sa ilalim ng Oplan Double Barrel o ang pinaigting na kampanya kontra droga ng administrasyon.
Samantalang pinayuhan rin ng PNP Chief ang kaniyang mga tauhan na huwag madidismaya sa mga pambabatikos sa anti –drug campaign at sa halip ay gawin lamang ang kanilang mga trabaho basta’t naayon ito sa batas at karapatang pantao.
Nabatid na sa tala ng PNP ay nasa 929 ng drug pushers ang napatay simula Hulyo 1 sa pag-upo ni Pangulong Duterte sa puwesto hanggang alas-6 ng umaga nitong Setyembre 1 ng taong ito.
Naitala naman sa 13, 247 mga drug suspect ang nasakote sa serye ng operasyon ng mga awtoridad.
Sa rekord pa ng PNP, nasa 629,229 namang drug personality ang sumuko kabilang ang 41, 458 drug pushers habang nasa 582,134 namang kabahayan ang naisailalim sa Project Tokhang o ang pagkatok sa mga kabahayan upang pasukuin ang mga pinaghihinalaang drug pushers at users.