Drug war ni Digong, tagumpay – Andanar
MANILA, Philippines – Idineklara ng Malacañang na isang tagumpay ang drug war ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsuko ng libu-libong drug users, ayon kay Presidential Communications Office Sec. Martin Andanar.
“Kung makikita po natin ‘yung first phase ng laban kontra droga ay nagwagi na tayo, ‘yung first phase po ito. Ito ‘yung susumahin natin ‘yung mahigit 700,000 na sumurender or who turned themselves in para magpa-rehabilitate,” wika pa ni Sec. Andanar sa Radyo ng Bayan.
Umabot sa 600,000 sa data ng PNP ang sumuko mula Hulyo 1-Agosto 2 sa kampanya ng gobyerno.
“Ito’y ginagawa naman ng Pangulo, sa mas lalong madaling panahon. Ang pangako ng ating Pangulong Duterte, ay ito ay malinis, within three to six months, mga 70 to 80 percent, ay malinis na ito,” dagdag ni Andanar.
Bahagi din sa unang phase ng anti-drug war ni Pangulong Duterte ang inilabas nitong matrix sa illegal drug activity sa New Bilibid Prison kung saan nanguna ang pangalan ni Senator Leila de Lima.
“Kung titingnan po natin ‘yung mga nabanggit na mga pangalan, ‘yung mga big time, ‘yung mga nasa top echelons of society, na nabanggit po sa drug matrix ay ito’y maituturing na tagumpay na first phase,” dagdag pa ni Andanar.
“Basta as soon as possible kapag nakitaan po ng kumpletong, talagang prima facie evidence, at kung hindi po nakapagsumite ng counter-affidavit ‘yung persons of interest ng Philippine National Police, PDEA, at ng DOJ, then kakasuhan,” paliwanag pa ng PCO chief.
- Latest