MANILA, Philippines – Inihayag kahapon ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza na ibinalik muli ni Pangulong Rodrigo Duterte ang unilateral ceasefire sa makakaliwang Communist Party of the Philippines-National People’s Army-National Democratic Front.
Ang anunsiyo ay ginawa ni Dureza bago ito tumulak patungong Norway para sa gagawing usapang pangkapayapaan.
Ito ay matapos ding magdeklara ng pitong araw na unilateral ceasefire ang CPP-NPA kamakalawa ng gabi.
“I am pleased to announce that President Rodrigo Duterte has restored the effects of the unilateral ceasefire with the CPP-NPA-NDF effective 12 midnight tonight 21 August 2016,” pahayag ni Dureza.
Ayon pa kay Dureza, iiral ang ceasefire hangga’t kinakailangan para sa tagumpay ng peace negotiations sa Norway na magsisimula bukas Agosto 22.
Samantala, sa isang press statement na ipinalabas nitong Biyernes ng gabi, sinabi ng liderato ng Partido Komunista ng Pilipinas na ang tigil- putukan ay magsisimula dakong alas-12:01 ng madaling araw ng Agosto 21 (Linggo) at tatagal hanggang alas-11:59 ng gabi sa Agosto 27 ng taong ito.
““To further bolster peace negotiations, the CPP and NPA are also open to discuss the possibility of a longer ceasefire upon completion of the release of all political prisoners,” ayon sa press statement na inilabas naman ng CPP-NPA.
Ang pagdedeklara ng unilateral ceasefire ng CPP-NPA ay matapos namang pansamantalang palayain sa PNP-Custodial Center sa Camp Crame ang mag-asawang lider ng CPP-NPA na sina Benito at Wilma Tiamzon na napiit simula noong Marso 2014 matapos silang masakote sa isang checkpoint sa Alonguinsan, Cebu.
Kasabay nito, iniutos naman kahapon ng NDF Southern Mindanao ang pagpapalaya sa mga bihag na pulis na sina Chief Inspector Arnold Ongachen, hepe ng Generoso Police sa Davao Oriental at PO1 Michael Grande.