MANILA, Philippines – Kinumpirma ni House Speaker Feliciano Belmonte na nais niyang labanan si Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez sa Speakership sa 17th Congress.
Ito ay upang makuha niya ang posisyon ng pagiging minority leader ng Mababang Kapulungan sa susunod na Kongreso. Aniya, hindi naman maaaring walang tatayong minorya sa Mababang Kapulungan.
Sa kabila nito, nangako si Belmonte na magiging cooperative minority leader siya sa pamumuno ni Alvarez at sa administrasyon ni President-elect Rodrigo Duterte.
Sinabi pa ni Belmonte na hanggang walang lalabaging batas o probisyon ng Saligang Batas, 100% ang ibibigay niyang suporta kay Duterte para bigyang daan ang repormang gusto nitong gawin sa gobyerno.
Samantala, tumanggi si Belmonte na ihayag kung ilan pang kongresista mula sa Liberal Party ang natitira sa kanyang panig dahil sikreto umano niya ito.