MANILA, Philippines – Nagbabala kahapon si incoming president Rodrigo “Digong” Duterte na kanyang bubuwagin ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC) at Land Transportation Office (LTO) na tinukoy nitong pinaka-korap na mga ahensya ng pamahalaan.
Sa isang panayam, tinukoy ni Duterte ang BIR, BOC at LTO na “most corrupt agencies” ng gobyerno kasabay ng banta nito sa mga opisyal at mga kawani na hindi siya mangingiming i-abolish ito dahil sa matinding korapsyon.
“I am very sorry pero sabihin ko sa inyo, isa sa pinaka-corrupt na agency ang BIR, Customs, LTO. ‘Yang tatlong iyan, i-abolish ko na lang para wala na,” pahayag ni Duterte sa mga mamamahayag kamakalawa ng gabi sa Davao City.
Binatikos din ni Duterte ang pagiging “inutil” o “walang-silbi’ ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa pagkabigong labanan ang paglaganap ng illegal drugs dahil karamihan sa mga opisyal at empleyado nito ay sangkot umano sa narcotics trade.
Ibinunyag ni Duterte na isang ranking official ng PDEA ang dapat sibakin sa ahensiya dahil sa umano’y pakikipagsabwatan nito sa sindikato ng droga.
Binalaan din niya ang mga lokal na opisyales na sangkot sa illegal na droga. Aniya, sa pag-upo nito bilang pangulo sa Hunyo 30, iuutos niya na hawakan na ng militar ang PDEA.
Bukod sa PDEA, nais ni Duterte na pahawakan sa militar ang Bureau of Immigration (BI) at Bureau of Corrections (Bucor) na pinamamahalaan ng New Bilibid Prison (NBP).
Samantala, “no comment” si BIR Commissioner Kim Henares sa pahayag ni Duterte na korap ang BIR dahil opinyon niya umano ito.
Gayunman, iginiit ni Henares na sa ilalim ng panunungkulan nito sa BIR ay napataas ng ahensiya ang koleksiyon ng buwis kada taon. Handa umano siyang umalis sa puwesto oras na magtalaga na ang susunod na administrasyon ng bagong mamumuno sa BIR.