MANILA, Philippines – Dalawang Chinese fishing vessels na naglalayag na may nakabaligtad na bandila ng Pilipinas ang inaresto ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Philippine Coast Guard (PCG) sa karagatan ng Sabtang Island, Batanes.
Ayon sa BFAR, ang mga barko ay ang F/V Shen Lia Cheng na may 12 crew at F/V She Kou na may 13 crew.
Sa ulat, nagsasagawa ng seaborne patrol lulan ng BFAR patrol vessels MCS 3010 at MM Patrol Boat 3049 nang maispatan nila ang dalawang barko na naglalayag sa naturang lugar.
Matapos makumpirma na ang mga barkong pangisda ay pawang gamit ng mga dayuhan, agad na inaresto ang mga sinasabing mga crew nito saka dinala sa Basco, Batanes, para sa imbestigasyon.
Ayon kay Department of Agriculture Undersecretary for Fisheries Atty. Asis G. Perez, kinakatwiran ng mga crew na napadaan lang sila sa lugar pero hindi naman makapagpakita ang mga ito ng dokumento patungkol dito.