MANILA, Philippines – Aapela ang tanggapan ng Ombudsman sa Sandiganbayan hinggil sa pagpayag ng huli na makapagpiyansa sina suspended Masbate Gov. Rizalina Seachon-Lanete at detained businesswoman Janet Lim-Napoles hinggil sa kanilang kasong graft na may kinalaman sa P100 milyong pork barrel scam.
Ayon kay dating Justice Undersecretary at ngayo’y deputized prosecutor ng Ombudsman Jose Justiniano, magsasampa sila ng motion for reconsideration at kakausapin ang prosecution panel hinggil sa Lanete-Napoles case.
Nitong Miyerkules ay pinayagan ng Sandiganbayan na makapagpiyansa sina Lanete at Napoles sa dahilang mababaw daw ang ebedensiya na nagdidiin sa dalawa sa naturang kaso.
Kapwa akusado ang dalawa sa graft dahil sa paggamit umano ni Lanete sa kanyang P108.4 milyon na nailagak sa pekeng NGO ni Napoles.
Ayon kay Justiniano, sa kasong ito, hindi naikonsidera ng Sandigan ang PDAF transaction ng dalawang akusado mula 2005 hanggang 2006 at ang sinasabing kickbacks ay kulang ng P50-milyon para ang kaso ay bumagsak na plunder.
“The court only included transactions from 2007 to 2010, but there were already entries (of their transactions) from 2005 to 2006. The Sandiganbayan did not include it, that’s why I think it did not fully appreciate the evidence,” ayon kay Justiniano.
Ang pahayag din anya ng Sandigan sa naging desisyon nito na pineke ang lagda ni Lanete sa Memoranda of Agreement sa umano’y NGO ay isa anyang bogus.
Kinuwestyon ni Justiniano kung paano mangyayari ito gayung hindi pa naman tumetestigo si Lanete sa korte kayat hindi maaaring sabihin ng korte na ang pirma nito ay peke at kung saan nagmula ito.
Si Lanete ay pansamantalang nakalaya mula sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ng magpiyansa ng P830,000 para sa kasong graft at plunder.