Bongbong isinusulong ang dagdag sahod
MANILA, Philippines - Isinusulong ni vice presidential candidate Sen. Bongbong Marcos ang dagdag na sahod sa Metro Manila at sa buong bansa dahil hindi na nito kayang tustusan ang mga pangangailangan ng mga Pilipino.
Sinuportahan din niya ang nakaambang paghingi ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ng umento na P154 sa minimum wage o pagtaas sa P635 kada araw sa kasalukuyang P481.
“Napakatagal na dapat ang pagtaas ng sahod ng ating mga kababayan sa private sector dahil matagal nang mataas ang presyo ng bilihin at napakataas ng ating tax. Hindi na talaga kayang suportahan ang kanilang mga pangangailangan,” ani Marcos.
Sinabi rin ni Marcos na dapat magkaroon ng pag-aaral para naman mabigyan din ng umento ang mga mangagagawa sa ibang parte ng bansa.
“Sa aking pag-iikot, ang isa sa pangunahing hinaing ay ang kawalan ng trabaho o di kaya naman ay konti lamang ang sweldo na nababawasan pa ng napakalaking buwis. Kaya dapat magtulungan ang lahat ng sektor upang masolusyonan ang problema,” aniya.
Bukod pa dito, iminumungkahi din ni Marcos ang pagtatatag ng isang Jobs Creation Council na isang inter-agency body na maghahanap ng mga paraan upang solusyunan ang kakulangan ng trabaho sa bansa sa pamamagitan ng partnership sa business sector at local government units.
- Latest