Kay Mar at Leni: LP show of force!

Pinangunahan ni Pa­ngulong Aquino ang pagpapahayag ng suporta sa tambalang Mar Roxas at Leni Robredo, at sinabing wala ng ibang magtutuloy ng sinimulan niyang Daang Matuwid na pamamahala kundi ang dalawa. File photo

MANILA, Philippines - Nagpakita na ng pu­wersa ang mga kaalyado ng administrasyong Aquino sa tambalang Mar Roxas at Leni Robredo. 

Dumagsa sa Club Filipino sa Greenhills, San Juan kahapon ng umaga ang mahigit 1,000 kaal­yado ng administrasyon, kabilang ang mahigit 197 congressman at 67 gobernador, at ang mga mayor, lider ng iba’t-ibang sektor tulad ng transport at civil society groups. 

Pinangunahan ng Pa­ngulo ang pagpapahayag ng suporta sa dalawa, at sinabing wala ng ibang magtutuloy ng sinimulan niyang Daang Matuwid na pamamahala kundi sina Roxas at Robredo. 

“Dati, tayo ang Sick Man of Asia. Ngayon, Asia’s Rising Tiger. Kailangang ituloy ang reporma upang hindi mawala ang momentum ng pag-unlad,” sabi nito. 

Kalahati ng mga gobernador na kaalyado ng administrasyon ay walang kalaban sa kanilang mga probinsiya. 81 ang kabuuang bilang ng mga gobernador sa buong bansa, at 67 ang suportado si Roxas at Rob­redo. Mahalaga ang suporta ng mga lokal na lider para sa isang kandidato sa nasyunal na puwesto dahil ang mga lokal na opisyal ang pinagtitiwalaan ng kanilang mga constituents. 

Ayon naman kay Iloilo City Congressman Jerry Trenas, ang Ro-Ro team ng LP ay takdang makinabang sa makinar­yang pulitikal ng ‘Daang Matuwid’ na binubuo ng 50 mula sa 80 incumbent governor, 167 mula sa 232 Representatives, 95 mula sa 143 city mayor at 810 mula sa 1,504 municipal mayor.

Ang naturang mga lokal na opisyal ang magbibigay anya ng ‘command vote’ na magtutulak kina Roxas at Robredo sa tagumpay.

Siniguro naman ni Roxas sa kanyang mga kapartido at kaibigan na dumalo sa nasabing pagtitipon na siya ang mananalo sa darating na presidential elections sa tulong ng bawat isa na nagnanais na ituloy nito ang nasimulang pamamahala ni PNoy.

“Magtiwala tayo sa ating mga kababayan dahil pipiliin nila ang tama. Tayo ang mananalo. Mananalo tayo dahil hindi tayo corrupt, mananalo tayo dahil hindi tayo astang diktador, at mananalo tayo dahil tayo ay Pilipino. Marangal tayo, disente tayo, tayo ang mananalo,” paniniguro ni Roxas.

Show comments