Trillanes puwede nang arestuhin

Nauna rito, sinabi ni Sen. Aquilino Pimentel III na hindi maaaring arestuhin habang nasa sesyon ang Kongreso si Trillanes na inutos ng isang korte na dakpin kaugnay ng kinakaharap nitong kasong libelo na isinampa ng suspendidong mayor ng Makati na si Junjun Binay. Philstar.com/File photo

MANILA, Philippines – Maaari nang maisilbi ang warrant of arrest laban kay Senador Antonio Trillanes anumang oras kapag nawalan na ng bisa ang kanyang immunity mula sa pagkakakulong.

Nauna rito, sinabi ni Sen. Aquilino Pimentel III na hindi maaaring arestuhin habang nasa sesyon ang Kongreso si Trillanes na inutos ng isang korte na dakpin kaugnay ng kinakaharap nitong kasong libelo na isinampa ng suspendidong mayor ng Makati na si Junjun Binay.

Nag-recess na ang Kongreso mula noong Peb­rero 5 kaya, dahil dito, maaaring magkabisa ang warrant of arrest na ipinalabas ng Makati Regional Trial Court laban kay Trillanes.

Sinasabi ni Pimentel na, batay sa Konstitusyon, hindi maaaring arestuhin habang nasa sesyon ang Kongreso ang isa nitong miyembro na merong kaso na ang parusa ay hindi hihigit sa anim na taong pagkabilanggo.

Idinagdag ni Pimentel na, kahit suspendido lang ang sesyon ng Kongreso sa panahon ng kampanya sa halalan at hindi naka-adjourned sine die (walang takdang petsa ng pagbalik sa sesyon), itinuturing pa rin na walang sesyon ito.

Babalik sa sesyon ang Kongreso sa Mayo 23.

Kinumpirma ng abogado ni Trillanes na si Atty. Reynaldo Robles na umalis patungong Amerika ang senador para dumalo sa isang international forum.

Isinampa noon ni Binay ang libelo dahil sa mga akusasyong katiwalian at plunder na ibinabato sa kanya ni Trillanes kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga proyekto sa Makati.

Sinabihan ni Makati RTC Judge Dina Teves ang abogado ni Trillanes na sabihan ang senador na magsampa ng piyansa.

Ibinasura rin ni Judge Teves ang motion to suspend proceedings na isinampa ni Trillanes.

Ayon kay Atty. Claro Certeza, abogado rin ni Binay, ang resulta ng pag-aaral ng Department of Justice na kasuhan si Trillanes ay nagpapatunay na mga kasinungalingan lang ang mga alegasyon laban sa mga Binay.

Show comments