Pacquiao ika-8 sa pound-for-pound fighters ng Sports Illustrated

Eight-division champion Manny Pacquiao. Philstar.com/AJ Bolando, file

MANILA, Philippines – Sa kabila ng pagbabago sa kaniyang lakas at diskarte sa boxing, kabilang pa rin si Manny Pacquiao sa Top 10 pound-for-pound fighters in the world ng Sports Illustrated.

Nasa ika-8 pwesto ang eight-division champion, kung saan siya ang pinakamatanda sa listahan sa edad na 37.

“The Pac Man was once at the very top of this list, but losses to Juan Manuel Marquez and Floyd Mayweather in the last three years have removed the aura of invincibility,” nakasaad sa magazine.

Pinahalik sa canvas ni Marquez si Pacquiao noong 2012 na ikinagulat ng buong mundo, ngunit nakabawi naman siya ng mga panalo kina Brandon Rios, Timothy Bradley at Chris Algieri.

Nitong nakaraang taon naman ay natalo sa unanimous decision si Pacquiao kay undefeated American boxer Floyd Mayweather sa sinasabing richest boxing match ever.

Nakatakdang magretiro si Pacquiao pagkatapos ng kaniyang ikatlong laban kay Bradley sa Abril.

“It will be a subdued end to what has been one of the most glorious and entertaining careers in recent boxing history,” dagdag ng SI tungkol sa magiging huling laban ng Pinoy boxer.

Nasa ibaba naman ni Pacquiao sa listahan si Bradley sa ika-9 na pwesto.

Nakaupo sa tuktok ng listahan si Nicaraguan star Roman Gonzalez, habang ikalawa si middleweight champion Gennady Golovkin, ikatlo si light heavyweight titlist Sergey Kovalev, ikaapat si undefeated super middleweight Andre Ward at panlima si slick junior featherweight Guillermo Rigondeaux.

Nasa ika-anim si junior middleweight star Saul Alvarez, rising star Terence Crawford (No. 7) at unbeaten welterweight Danny Garcia (No. 10).

 

Show comments