MANILA, Philippines – Isusulong ni independent presidential candidate Grace Poe ang pagkakaroon ng isang plebisito na doo’y ipauubaya sa taumbayan ang pagpapasya sa pagpapanumbalik ng parusang kamatayan kapag siya’y nahalal na pangulo ng bansa.
Sa isang panayam ng mga Philippine Star at Pilipino Star Ngayon columnist at editors, sinabi ni Poe na “bilang isang ina” marami ang mga magulang na tulad niya na nababahala sa kapakanan ng kanilang mga anak na baka malulong sa bawal na droga.”
“Alam kong lumalawak ang panawagan ng marami sa pagbuhay sa death penalty” aniya. Dinugtong niya na hihimukin niya ang Kongreso na magsagawa ng debate tungkol sa isyung ito na tahasang tinututulan ng simbahan.
Tiniyak ni Poe na taliwas sa akala ng marami, hindi komo isa siyang babae ay magiging malambot siya sa pagtrato sa lumulubhang problema sa droga na ugat ng lahat ng seryosong krimen sa bansa.
Pero idinugtong niya na kasama sa pagbabalik ng bitay ay ipatutupad niya ang reporma sa hudikatura upang tiyakin na ang mga mapaparusahan ay yun lamang mga nagkasala sa batas. Nalungkot si Poe na marami sa mga napaparusahan ang nakulong dahilan lamang sa kahirapan at walang maitustos para magkaroon ng magaling na abogado.
Nilinaw din niya na ang bitay ay para lamang sa mga heinous crimes gaya ng drugs at mga criminal na paulit-ulit ang paggawa ng krimen.
Sa kampanya kontra droga, isusulong din niya ang activation ng mga kampanya laban sa droga sa lahat ng 41-barangay sa buong bansa.