MANILA, Philippines – Wala nang bisa na tulad ng sa batas ang mga boto, aksyon at desisyong ginawa ng sino mang partylist representative na tumalikod na sa kanilang karapatang kumatawan sa kanilang sektor kaya dapat tanggalin na ang mga ito sa rekord ng House of Representatives.
Ito ang idiniin kahapon ni Council for Philippine Affairs Secretary General Pastor “Boy” Saycon na nagsabi pa na malinaw sa Republic Act 7941 o Partylist Law na sino mang partylist representative ay matatanggal na sa kanyang puwesto sa Kongreso kapag nagbago siya ng partido pulitikal o sectoral affiliations.
“Awtomatiko ang proseso at hindi na kailangan ng ekstrang deliberasyon. Maliwanag ito sa probisyon ng batas,” sabi ni Saycon.
Kasabay nito, nanawagan si Saycon sa liderato ng House na tutulan ang patuloy na pagtatangka ng Supreme Court na balewalain ang kapangyarihan at tungkulin ng lehislatura na co-equal branch ng gobyerno.
Pinuna ni Saycon na mapanganib at banta sa konsepto ng pantay na kapangyarihan ang isang desisyon kamakailan ng Supreme Court na bumaligtad sa naunang desisyon ng isang constitutional body na tulad ng House of Representatives Electoral Tribunal sa isang election protest case ng anak ng isang miyembro ng Mataas na Hukuman.
Pinuna ni Saycon ang isang desisyon ng Supreme Court na nagdiskuwalipika kay Marinduque Congresswoman Regina Reyes-Ongsiako pabor kay Lord Alan Velasco na anak ni Senior Associate Justice Presbitero Velasco. Kinuwestyon niya ang neutrality dito ng Mataas na Hukuman.