MANILA, Philippines - Ito ang matapang na pahayag kahapon ni Philippine Marines Lt. Col. Ferdinand Marcelino kaugnay ng pagkakaaresto sa kanya at sa isa pang Chinese sa raid sa isang shabu laboratory na nagresulta sa pagkakasamsam ng P320 milyong halaga ng shabu at kemikal nitong Huwebes sa Maynila.
Binigyang diin ni Marcelino na hindi niya kayang pagtaksilan ang bansa, ang kaniyang mga kababayan at maging ang kinabukasan ng mga kabataan.
Kahapon ay sumailalim na sa inquest proceedings si Marcelino na nakapiit ngayon sa detention cell ng PNP-Anti Illegal Drugs Group (AIDG).
Sinabi ni Marcelino na kailangan niyang dumaan sa legal na proseso at sa pamamagitan nito ay mailalabas niya ang kaniyang panig sa nasabing kaso.
Isinigaw ni Marcelino na marami siyang kilalang drug lords, triad ng drug syndicates at maging ang mga pulitiko o ang ipinahihiwatig nitong umiiral na narco-politics sa bansa.
Si Marcelino ay kilalang anti-drug buster at dating hepe ng Special Enforcement Service ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa panahon ng dating pinuno nito na si Executive Director Dionisio Santiago at maraming nasagasaang big time international drug syndicates sa bansa.
Inihayag nito na hindi siya mag-ooperate ng walang ‘mission order’ at itinuro si Philippine Army Chief Lt. Gen. Eduardo Año na nagbigay umano ng go signal sa kaniya para magtrabaho kontra sa mga sindikato ng droga.
“It’s true that I gave him that mission order but it’s during my stint as ISAFP Chief, I don’t know if he still continue to work for that mission, it’s included in the intelligence work to operate against all threat groups in the country including international drug syndicates,” pahayag ni Año.
Sinabi ni Año na si Marcelino na lamang ang makapagpapaliwanag sa kaniyang trabaho at hindi rin niya alam kung pinalawig ng kaniyang successor na si ISAFP Chief Major Gen. Arnold Quiapo ang nasabing mission order na aminado namang walang nakalagay na time frame.
“I was his boss when I was chief of ISAFP, from late 2012 up to about mid 2014, so habang boss ako nuon naging MIG (Military Intelligence Group) Commander sya, nakita ko naman sya na very straight sya at yung kanyang performance talagang, nakita ko na talagang very sincere sa trabaho and marami rin syang accomplishment,” anang Army Chief.