MANILA, Philippines – Naging matensiyon ang pag-aresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa isang dating ministro ng Iglesia Ni Cristo (INC) na sa huli ay natuluyan ding bitbitin sa presinto at ikulong, kahapon ng umaga.
Sa ulat, nabatid na isinilbi ng mga tauhan ng MPD-station 10 na nakasuot sibilyan ang warrant of arrest kay Lowell Menorca II alas 8:00 ng kahapon ng umaga sa Pres. Quirino Avenue, panulukan ng Roxas Boulevard sa Malate, Maynila.
Tiyempo naman umanong papunta si Menorca at misis na si Seiko Menorca sa Court of Appeals (CA) para sa cross examination sa kaniya kaugnay sa writ of amparo at habeas corpus case laban sa mga lider ng INC.
Sa pagbaba umano ng sasakyan para lumipat ay tyempong lapit umano ang dalawang pulis na nagsabing inaaresto siya sa kasong libelo na nakahain sa sala ni Kapatagan, Lanao del Norte Regional Trial Court Branch 21, Judge Alberto Quinto.
Nauwi sa komosyon ang insidente nang tumangging sumama ni Menorca sa mga pulis at nag-react din ang misis nito dahil duda umano sila kung tunay na pulis ang dalawa na walang suot na uniporme at hindi umano nagpapakita ng ID o badge at wala rin umano silang alam na demanda sa kanila para arestuhin at sa pulis na hindi umano kaanib ng INC sila magtitiwalang sumama.
Dumagsa ang mga mamamahayag na lalong hindi naman nagpa-aresto si Menorca hanggang sa nakausap ang isang radio anchor na tumawag kay MPD director Chief Supt. Rolando Nana.
Nagkaroon ng pagkakataong hilingin ni Menorca mismo kay Nana na sasama lamang siya kung mismong ang director ang pupunta sa lugar upang siya ay arestuhin na ginawa naman ni Nana, kahit nang mga oras na iyon ay nasa pagdiriwang siya ng ika-115 founding anniversary ng Manila Police District kahapon.
Dahil sa insidente, hindi nakadalo si Menorca sa pagdinig sa CA na iskedyul ng alas 10:00 ng umaga kaya nang makiusap ang misis sa CA ay ini-reset ng ala 1:00 ng hapon kahapon ang cross examination na hindi rin muli nakadalo si Menorca.
Sa halip na dalhin ng MPD sa CA si Menorca ay dumating ang legal chief ng MPD na nagpaliwanag sa korte na wala silang hawak na court order para dalhin si Menorca sa CA.
Mula sa pagkapiit sa station 5 ng MPD ay dinala sa Ospital ng Maynila si Menorca para sa SOP na medical examination at ibinalik din sa presinto.