250 na naaresto sa gun ban
MANILA, Philippines - Umakyat na sa 250 katao ang naaresto sa paglabag sa gun ban simula ng ipatupad ito noong Enero 10.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor, sa nasabing bilang 238 ang sibilyan, 2 pulis, 3 government officials, 3 miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), 2 security guard, isa mula sa iba pang mga law enforcement agency at isang CAFGU.
Kinilala naman ang dalawang parak na nahuli sa gun ban na sina PO1 Marvin Granada at PO1 Michael Sean Tabarangao, kapwa nakatalaga sa Regional Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Umaabot naman sa 154 ang nasamsam na mga baril simula Enero 10, nasa 734 ang nakamamatay na armas, pitong replica ng baril, siyam na granada at 717 mga bala.
Inihayag ni Mayor na mayorya ng mga nasakote sa gun ban ay nakorner sa inilatag na checkpoint operation sa mga kritikal at istratehikong lugar sa bansa.
Ang gun ban ay tatagal hanggang Hunyo 8 o isang buwan matapos ang May 2016 national polls.
Muling nagpaalala si Mayor sa mga law enforcers na bawal silang magbitbit ng mga baril kapag hindi naka-duty.
- Latest