Failure of election sa Mindanao

MANILA, Philippines – Nagbabala ang isang kongresista ng Mindanao-Wide failure of Election dahil sa  sunod-sunod na pagpapasabog ng tore ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa mga lalawigan sa rehiyon.

Ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, sa ngayon ay mayroon ng 18 na tore ng kuryente ng NGCP ang napapasabog ng hindi kilalang grupo sa mga lalawigan na sakop ng Mindanao.

Paliwanag ni Rodriguez, nagsimula ang pagpapasabog sa mga tore noon pang Enero 2015 at sa kabila ng natatanggap na intelligence report ng AFP at PNP na isa itong krimen ay hindi pa rin ito pinanghimasukan ng mga otoridad upang matukoy kung sino ang nasa likod ng mga pagpapasabog.

Sa pagdinig ng House Committee on Energy, sinabi ni NGCP assistant Corporate Secretary Atty. Ronald Concepcion na hanggang ngayon ay wala pa ring nasasampahan ng kaso kaugnay ng krimeng ito.

Aminado naman si Concepcion na nakakita sila ng pattern na dumarami ang insidente ng pagpapasabog sa NGCP towers tuwing nalalapit ang national elections. Dahil dito kaya na-isolate umano ang Agus 1 at Agus 2 power plants kaya bumababa ang supply ng kuryente sa Mindanao.

Kapag nagtuluy-tuloy umano ang ganitong insidente ay hindi malayong magkaroon ng Mindanao wide failure of elections dahil sa ang gagamitin dito ay PCOS machines na nangangailangan ng kuryente.

Show comments