MANILA, Philippines - Nanawagan kay Department of Interior and Local Government Secretary Mel Senen Sarmiento ang mga residente ng Mataas na Kahoy, Batangas na tanggalin na sa puwesto ang kanilang Mayor na matagal umanong nagtatago sa batas dahil sa kinakaharap na kaso.
Base sa rekord ng korte, noong Marso 31, 2014 pa inisyuhan ng mandamyento de aresto ni Ormoc City RTC, Branch 35 Judge Girlie Borrel-Yu si Mayor Jay Ilagan ng Mataas na Kahoy dahil sa kasong rape na isinampa ng isang tinedyer laban sa kanya.
Walang piyansa na inirekomenda ang korte laban kay Mayor Ilagan kaya nadiskaril ang paglilingkod bayan nito makaraang magtago sa batas.
Nahaharap din si Mayor Ilagan sa kasong human trafficking at illegal possession of firearms and ammunition makaraang salakayin ng mga tauhan ng CIDG ang compound nito sa Barangay Santol sa Mataas na Kahoy noong Disyembre 20, 2015.
Umaapila ngayon ang may 30,000 residente ng fourth-class municipality sa Mataas na Kahoy kay Sarmiento na italaga na bilang OIC ang kanilang Vice Mayor na si Henry Laqui.