5 OFWs na minaltrato sa UAE, inuwi ni Binay
MANILA, Philippines – ‘Uuwi na kayo.’
Ito ang huling pahayag ni Vice President Jejomar Binay sa limang overseas Filipino workers (OFWs) na biktima ng pagmamaltrato at kinupkop ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Dubai, United Arab Emirates.
Ayon kay Binay, naka-iskedyul na dumating kasama niya sa Biyernes ng gabi sa Manila ang limang OFWs.
“Hindi man sila nakauwi noong Disyembre, ito ang pinakamagandang pamasko para sa kanila at sa kanilang mga pamilya,” ani Binay.
Nabatid na nakipagkita si Binay, dating Presidential adviser on OFW concerns, kina Rosminda Baui, 27, tubong Cabagan, Isabela; Belsie Espine, 36, ng Magalona, Negros Occidental; Leowilyn Tan, 31, ng Wao Lanao del Sur; Angelyn Tak, 26, ng Kiamba, Saranggani at Lucrecia Insesto, 42, ng Zamboanga Sibugay sa POLO center sa Dubai noong Huwebes at sinabi niya ng personal ang magandang balita na isasama na sila pag-uwi nito sa Pilipinas matapos ang kanyang 3-araw na pagbisita sa UAE.
Ang lima ang karamihang nag-run away sa kanilang employer matapos na dumanas ng pagmamaltrato at pang-aabuso.
Sinabi ni Binay na inako ng kanyang mga nagmagandang loob na kaibigan at supporter ang plane tickets ng limang OFWs.
“Bago kami umalis papunta dito sa Dubai, nalaman namin na may mga kababayan tayo na pwede nang umuwi at kulang na lang ang pamasahe kaya minabuti namin na tumulong sa kanila,” pahayag ni Binay.
“May mga nagmagandang loob na kababayan natin sa Pilipinas, mga businessmen at private individuals na nagbigay ng pambili ng tickets.
Natutuwa at nagpapasalamat ako sa kanila sa ibinigay nilang tulong upang makapiling na ulit ng ating mga kababayan ang kanilang mga mahal sa buhay,” dagdag pa ng Bise Presidente.
Sinabi ni Binay, dati ring chairman of the Presidential Task Force Against Illegal Recruitment (PTFAIR), na handa siyang tumulong sa imbestigasyon sa mga kaso ng OFWs lalo na sa mga nabigyan ng ibat ibang trabaho na iba sa kanilang nilagdaang kontrata kasabay ng panawagan nito na magkaroon ng mas malinaw na panuntunan sa repatriation sa mga undocumented OFWs.
- Latest