Bong, Jinggoy nais makapunta sa burol ni Kuya Germs
MANILA, Philippines – Magkahiwalay na humirit sa Sandiganbayan sina Sen. Jose “Jinggoy” Estrada at Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na makapunta sa burol ng namayapa nang aktor na si German “Kuya Germs” Moreno sa lungsod ng Quezon.
Tatlong oras ang hininging furlough ni Estrada sa Fifth Division ng korte upang makalabas ng kulungan at pumunta sa burol ni Moreno sa Mt. Carmel bukas ng gabi mula alas-7 hanggang alas-10.
“As part of the movie industry and public servant, accused movant was especially close and would like to pay his final respects,” nakasaad sa petisyon ni Estrada.
Nauna nang humingi ng furlough si Revilla nitong Biyernes ngunit limang oras ang nais niya alinman bukas o sa makalawa mula alas-3 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.
Binawian ng buhay nitong Biyernes ang 82-anyos na si Moreno matapos ang isang cardiac arrest.
Nakaburol siya sa Mt. Carmel sa Quezon City ngunit ililipat sa GMA 7 Network Studio sa Timog Avenue Diliman, Quezon City sa Miyerkules para sa necrological service.
Nakatakdang ilibing ang isa sa mga haligi ng Philippine showbiz sa Enero 14 sa Loyola Memorial Park, Marikina City
Kapwa naman nakakulong ang dalawang senador sa Philippine National Custodial Center sa Camp Crame para sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam.
- Latest