MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano kay Senador Grace Poe gayundin sa ibang mga tatakbo sa 2016 elections na mag-inhibit sa muling imbestigasyon ng Senado sa Mamasapano upang hindi paghinalaan ng pamumulitika.
Tinutukoy ni Cayetano ang imbestigasyon sa enkuwentro ng puwersa ng pamahalaan at ng mga rebelde sa Mamasapano sa Maguindanao noong nakaraang taon na ikinasawi ng 44 tauhan ng Special Action Force ng Philippine National Police.
“Makakabuting ipasa ni Sen. Poe sa vice chairman ng komite o sa isang senador na hindi kumakandidato sa eleksyon ang pangungulo sa imbestigasyon at maaari na lang siyang magmonitor sa pagdinig. Gagawin ko rin iyan,” sabi ni Cayetano na kumakandidatong bise presidente habang si Poe ay kandidatong presidente.
Aniya, siya ay kusang mag-i-inhibit sa imbestigasyon muli ng Mamasapano at magsusumite lamang siya ng mga tanong.