MANILA, Philippines – Nagsimula na ang bangayan sa loob ng Commission on Elections sa gitna ng kasong diskwalipikasyon laban kay Senador Grace Poe sa halalang pampanguluhan.
Bumulaga sa mga reporter ang isang sulat mula kay Comelec Chairman Andres Bautista para kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon at pinuno ng Legal Department na si Maria Norina Tangaro Casingal. Tinutukoy ni Bautista ang ginawang pagsagot ni Guanzon sa petisyon ni Poe sa Mataas na Hukuman.
Nauna rito, hiningan ng Supreme Court ng komento ang Comelec sa petisyon ni Poe. Sa petisyon, kinuwestiyon ni Poe ang desisyon ng Comelec na nagdidiskuwalipika sa kanya sa halalang pampanguluhan. Nagpalabas naman ng temporary restraining order ang Supreme Court na pumipigil sa pagpapatupad sa desisyon ng Comelec at pinasasagot ang komisyon sa naturang petisyon.
Sinita ni Bautista ang dalawa dahil sa pagsagot nila sa utos ng Korte Suprema na isumite ang posisyon ng Komisyon ukol sa diskwalipikasyon ni Poe. Hindi raw alam ni Bautista ang hakbang na ito at pinilit na walang karapatang sumagot sina Guanzon sa utos ng korte.
Binalaan ni Bautista sina Guanzon at Casingal na mapipilitan siyang sabihin sa Korte na walang karapatan ang mga ito na sumagot para sa Komisyon kung hindi nila maipapaliwanag ang kanilang mga aksyon.
Maanghang naman ang naging kontra ni Guanzon sa mga pahayag ni Bautista. Ani Guanzon, hindi raw inutos ng En Banc ang pagdaan ng dokumento sa lahat ng commissioner dahil sa pangangailangang isumite agad ito sa Korte. Maikli lamang ang binigay na oras ng Korte Suprema sa COMELEC para sagutin ang petisyon ni Poe.
Binanatan din ni Guanzon ang naging epekto ng pagpapalabas ng sulat ni Bautista hinggil sa kanyang reputasyon. “Idiniin din ni Guanzon na hindi niya boss si Bautista at pinaalalahanan niya ito na mahalagang protektahan ang institusyon ng Komisyon at hindi ang personal na interes.
Pinanigan ni Bautista si Poe sa kaso ng diskwalipikasyon na dinesisyunan ng COMELEC. Halos lahat ng mga commissioner ay bumoto laban kay Poe, sa paniniwalang hindi ito kwalipikadong maging kandidato dahil hindi nito napatunayang residente siya ng Pilipinas ng sampung taon, na nakasaad sa Saligang Batas.