LEGAZPI CITY, Philippines – ‘Banner year’ ang 2016 ng “Albay Rising,” ang ‘development battlecry’ ng lalawigan kaya nanawagan si Gov. Joey Salceda sa mga Albayano na tulung-tulong nilang paarangkadahin ang lalawigan nila tungo sa mithi nilang ‘sustainable development.’
Nakapaloob sa Albay Rising ang programang pangkaunlarang isinulong ni Salceda sa loob ng siyam na taong kanyang panunungkulan bilang gubernador na magtatapos naayong darating na Hunyo. Kakandidato siyang halos walang kalaban para sa ikalawang congressional district ng Albay sa nalalapit na eleksiyon.
Inamuki ni Salceda ang kanyang mga kalalawigan na sama-sama nilang pursigihin ang pag-unlad ng Albay sa pamamagitan ng masiglang turismo, agrikultura, maliliit ng mga negosyo, edukasyon, kalusugan, ‘social protection, disaster risk reduction and climate change adaptation.”
Isa sa pinakamalaking magaganap sa Albay sa darating na Abril ang Palarong Pambansa 2016 na ihu-host ng lalawigan bilang isang ‘sports-tourism event. Ang mga tunggalian nito ay gaganapin sa magkakaratig na bayang may mga magagandang tanawin para lalong makatulong sa pagpapalagi ng turismo ng lalawigan.
Umani ng maraming pandaigdigang pagkilala at parangal ang turismo ng Albay na ang pinakahuli ay ang $1-million 2015 CEO Challenge Award ng Pacific Area Tourism Association.
Ayon kay Salceda, nitong 2015 mga 376,000 dayuhang turista ang bumisita sa Albay o higit 11% sa naitala noong 2014, at inaasahang lalong marami ang dadayo ngayong 2016 dahil sa ilang malalaking kaganapang gagawin sa lalawigan gaya ng Xterra Philippines, Palaro 2016 at iba pang events ng Department of Tourism.