Walang terror threat sa Nazareno
MANILA, Philippines – Walang banta ng pag-atake ng teroristang grupo tulad ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang pista ng Itim na Nazareno na ang highlights ay gaganapin bukas, Enero 9 sa lungsod ng Maynila.
Sinabi ni Supt. Marissa Bruno, Manila Police District (MPD) spokesman, wala silang namomonitor na ‘terror threat ‘ na maaring ilunsad ng ISIS at iba pang teroristang grupo na pinangangambahan ng mga deboto upang isabotahe ang makasaysayang prusisyon.
“Sa ngayon po ay wala kaming gustong isipin (ISIS threat) o tingnan, ang lahat pong paghahanda na ginawa ng ating pamunuan dito sa traslacion ay sinisigurado po namin na magiging sapat at kung kinakailangan pa po sa bawat oras na nakalaan sa pagdagsa o pagdami ng tao nakahanda po ang ating NCRPO,” anang opisyal.
Ang NCRPO ay magdedeploy ng 5,000 pulis at 900 namang sundalo ang AFP para mangalaga sa seguridad sa traslacion.
Binigyang diin pa ni Bruno na bantay sarado ang mga ruta na daraanan ng prusisyon mula Quirino grandstand sa Luneta pabalik sa Quiapo Church.
Inihayag pa ni Bruno na isasailalim sa masusing inspeksyon ang mga debotong nakasumbrero at naka-backpack para na rin sa seguridad kung saan inaasahang 8 milyong mananampalatayang Katoliko ang makikilahok sa traslacion.
Sa halip na backpack, mas makabubuti ayon kay Bruno na gumamit na lamang ng mga transparent bags gaya ng ginamit nang mga mananampalataya noong panahong dumalaw sa bansa si Pope Francis noong Enero 2015.
- Latest