MANILA, Philippines – Alinsunod sa mandato ng 1987 Constitution na dapat maging accessible ang kalidad na edukasyon para sa lahat, isinumite ni Camarines Sur Rep. Felix William Fuentebella ang House Bill No. 4894.
Layon ng panukalang batas ni Fuentebella na ma-convert ang Villafuerte-Peña High School sa Barangay Ponglon, bayan ng San Jose sa Camarines Sur, bilang isang national technical-vocational high school.
Kapag naisabatas, tatawagin ang paaralan na Juan C. Peña National Technical Vocational High School.
Ayon kay Fuentebella, bagamat dumarami ang bilang ng mga mag-aaral sa sekondaryang antas, bumababa naman ang porsyento ng mga nagtapos sa high school na nagkakatrabaho.
Dahil dito ay nais ng mambabatas na mabigyan ng pagpapahalaga ang technical vocational courses na ayon sa mga pag-aaral ay siyang kailangan ng maraming mga industriya at kumpanya sa Pilipinas at maging sa abroad.
Sa kasalukuyan ay sinisi ang labor-skills mismatch kung bakit maraming mga Filipino na nasa hustong gulang ang hindi makapagtrabaho.
Ang karaniwang reklamo ng mga kumpanya ay hindi angkop sa kanilang job vacancies ang kursong natapos sa kolehiyo ng maraming aplikante.
Sa ilalim ng K-12 Program ng pamahalaan, layon na mabigyan ng sapat na kaalaman at skills ang mga nagtatapos sa sekondaryang antas upang kung kanilang naisin ay makapagtrabaho na sila.
Sinabi ni Fuentebella na bababa ang unemployment rate kung mapagtutuunan ng pansin ang tech-vocational skills.