MANILA, Philippines - Tatlong hukom ng Korte Suprema ang nag-inhibit sa inapelang desisyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) sa disqualification case laban kay Sen. Grace Poe.
Hindi na hinawakan nina SC Associate Justices Antonio Carpio, Teresita Leonardo-De Castro at Arturo Brion ang apela ni Rizalito David sa mataas na hukuman dahil kabilang sila sa SET.
Hiniling ni David sa Korte Suprema na baligtarin ang desisyon ng SET na nauwi sa botong 5-4, kung saan bumoto kontra kay Poe ang tatlong hukom ngunit nadaig ng boto ng limang kapwa senador ni Poe.
Ipinadiskwalipika ni David si Poe dahil sa kuwestiyonableng citizenship bilang isang foundling.
Samantala, naglabas naman ng temporary restraining order ang mataas na hukuman laban sa desisyon ng Commission on Elections (Comelec) en banc na katigan ang pagdiskwalipika kay Poe na tumakbo sa pagkapangulo sa 2016.
Nakatakda ring dinggin ng Korte Suprema ang apela ni Poe na baligtarin ang hatol ng Comelec.